Kasalaukuyang inaayos pa ang blog na ito.

Thursday, June 16, 2016

May Panahon (Bong Ramilo, 1998)

http://reinvention.intercreate.net/songs-from-may-panahon-words


May Panahon
Hanap Ko
Piso
Ka Ramon
Hatinggabi
Siya’y Tutugtog
Pauwi sa Amin
Hinihintay
Paalam Mahal
Pagkatapos ng Digma
Himig

May Panahon (Awit ng Petiburges)

 http://reinvention.intercreate.net/wp-content/uploads/2008/09/maypanahon.mp3

Titik: Bong Ramilo at Rene Agbayani
Buhay na nagisnan, puno ng ginhawa
Buhay na kumupkop, di yata makakayang iwan
Buhay na kay hirap, bagay na di gagap
Bukas o nakaraan, saan nga ba ang patutunguhan
Nagugulhan ba ako ngayon
Naghihitay na sila roon
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan
Aking mga mata, malinaw ang nakita
Luha ng kapatid, dusa na di napapatid
Diwa ay natalos, humayo at kumilos
Tawag ng pangangailangan
Di na matatalikuran
At ang bisig ko’y handa na ngayon
At makakayang iwan ang noon
May panahong magduda’t magtanong
Ngayo’y panahon ng pagharap at pagsulong
Pagtatanong ay huwag lubayan
Tunggalian ay walang katapusan
1978-79, Diliman
May Panahon words and chords



Hanap Ko

Hanap ko’y ligaya’t kaunting tahimik
Sa luwag at sagana ay sabik
Pagod na ako sa daang matinik
Pagod na ako sa kahihibik
Hanap ko’y pirasong lupain sa bundok
Tanaw sa malayo ay look
Pagod na ako sa daang magabok
Pagod na ako sa mga pagsubok
Sa init ng digma, ako’y nanlamig
Nanlumo ang diwa’t nanlambot ang bisig
O, tila kay daling naiwan na lang ang pinagsimulan
O, pinagmumultuhan ng alaala ng kinabukasan
Saan man mapunta’y di matakasan
Ang taghoy ng bayan na kalayaan
Hanap ko’y hinahon sa gitna ng unos
Na liwanag sa dilim ay lumagos
Pagod na sa kahihinto sa daan
Pagod na ako sa kaaalangan
Hanap ko’y lakas at kaunting tangkilik
Na dating tibay ng loob ay bumalik
Pagod man ako’y di mananahimik
Pagod man ako’y muling iimik
Hanap kong sa daan patungong kalayaan
Na bawat hakbang ko’y mabagwisan
1983, Baguio



Piso

Piso, piso
Sa isang kisapmata’y naglalaho
Katumas ay sago at taho
Presyo’y tumataas na parang lobo
Habang bumababa ang piso
Sahod, suweldo
Kasing liit ng kuto
Di maka-angal, baka ma-layoff ako
Pagmagwewelga, bawal daw ito
Nanang ko, paano na ngayon ang buhay ko?
1978, Diliman
Kasama si Ernesto dela Cruz



Ka Ramon

Magandang umaga, Ka Ramon
Madilim pa’y pabukid ka na
Ikaw ba’y sapat na ang tulog
Sa magdamag na maginaw, Ka Ramon
Magandang umaga rin, anak
Pagod ma’y kailangang bumangon ng maaga’t
Lupa ay naghihintay at sabik
Sa araro’t kalabaw, ay anak
Ang pawis at hamog ay nagsasama
Sa pagbubungkal ng lupang di kanya
At sa tag-ani’y babahagian siya
Kahit na katiting, gagawan ng paraan
Nang magkasya
Magandang tanghali, Ka Ramon
Kay init na’y patuloy ka pa
Ikaw ba’y sapat na’ng pagkabusog
Sa ilang subo ng bahaw, Ka Ramon
Magandang tanghali rin, anak
Gutom ma’y kailangang umahon sa pahinga’t
Lupa ay naghihintay ng dilig
At sa ulan ay uhaw, ay anak
Ang pawis at luha ay nagsasama
Sa pagbungkal ng lupang di kanya
Sa kanyang parte’y hindi na makaasa
Tiyak na kulang sa pambayad pa lamang ng utang
Magandang gabi, Ka Ramon
Padilim na’y nasa bukid ka pa
Ikaw ba’y di uuwi at paubos na ngayon
Ang ilaw, Ka Ramon
Magandang gabi sa ‘yo, anak
Hapo ma’y kailangang tumuon sa araro’t
Lupa ay maghihintay ng punla
Sa susunod na araw, ay anak
Ang pawis at dugo ay nagsasama
Sa pagbubungkal ng lupang di kanya
Bunga ng lakas, inaagaw ng iba
Ba’t di ka bumangon, umahon sa hirap
Ba’t di mo ituon ang lakas sa paglikha
Ng malayang bukas, Ka Ramon
1985, Baguio



Hatinggabi

Hatinggabi na, wala pang pahinga
Antok ay ayaw dumating
Mag-uumaga, puno ng pangamba
Sa araw na parating
At bukas ng umaga
Hihintayin ba siya
Ng makina sa pabrika
“Mahal ko,” bulong sa kanya,
“Ako’y sipingan at giniginaw.
Ang aking dala, bahagyang gumalaw,
Totoo, halika, nang maramdaman.”
Hatinggabi na, nagbuntong-hininga
Di alam ang sasabihin
Mag-uumaga, puno ng alala
Katabi’y mahimbing
At bukas ng umaga
Kanyang kamay pa ba
Ang dudumi sa grasa, at
“Mahal ko,” ang bulong niya,
“Kita’y sisipingan nang huwag ginawin.
Ang iyong dala, di ba mamanglaw sa kagigisnan
Mayroon ba siyang maaasahan?
Bukas ng umaga
Tuloy ang pabrika
Kahit siya’y wala na.
1985, Baguio



Siya’y Tutugtog

Pigtas na naman ang isa pang kuwerdas
Sa kanyang gitara na lumang-luma
At puno ng gasgas
Ingat na ingat, isa pa’ng kinabit
Tonoha’y pinihit
At dahan-dahan, habang nangangatal
At umunat na rin, sinulid na bakal
Ang musikerong bulag at muling tumugtog
Muling naghintay ng baryang huhulog
Sa bawat kalansing, ngingiting bahagya
Bilang tugon, bibilis ang tipa
Para kanino ba inihahandog
Ang tila dibdiban na pagtutugtog
Para kanina, malungkot na kanta
Ang tagulaylay ba’y para sa kanya?
At siya’y tutugtog, tutugtog, tutugtog
Kahit sa tugtog ay di mabubusog
Ang tanging alam, himig na bilasa
Tanging pag-asa, tao’y di magsawa
Pigtas na naman ang isa pang kuwerdas
Sa kanyang gitara na lumang-luma
At puno ng gasgas
Buntong-hininga at pagngingitngit
Wala nang kapalit
Dahan-dahan, habang nangangatal
Siya’y tutugtog
1985, Baguio


Pauwi sa Amin

Luray na ang sulat na ito
Sa kabubuklat-tiklop ko
At inip na ako sa paghinintay
Sa trak na pauwi sa amin
Lungkot o galit ba’ng dama ko
O nanghihinayang ba ako
Isang taon lang, at sana’y tapos na
Maiuuwi na’ng diploma
Kahapon dumating ang sulat ni ama
“Anak,” sabi niya, “Ika’y umuwi na.
Ikinalulungkot kong walang padala,
Ngunit ang ani’y kulang pa sa upa.
At di na natin kayang bayaran
Dagdag na singil ng eskuwelahan.
Ako’y tulungang magsaka na lang.”
Ay, sa wakas, dumating na
Sana’y may upuang matira
Maraming nainip sa kahihintay
Sa trak na pauwi sa amin.
1985, Baguio



Hatinggabi

Hatinggabi na, wala pang pahinga
Antok ay ayaw dumating
Mag-uumaga, puno ng pangamba
Sa araw na parating
At bukas ng umaga
Hihintayin ba siya
Ng makina sa pabrika
“Mahal ko,” bulong sa kanya,
“Ako’y sipingan at giniginaw.
Ang aking dala, bahagyang gumalaw,
Totoo, halika, nang maramdaman.”
Hatinggabi na, nagbuntong-hininga
Di alam ang sasabihin
Mag-uumaga, puno ng alala
Katabi’y mahimbing
At bukas ng umaga
Kanyang kamay pa ba
Ang dudumi sa grasa, at
“Mahal ko,” ang bulong niya,
“Kita’y sisipingan nang huwag ginawin.
Ang iyong dala, di ba mamanglaw sa kagigisnan
Mayroon ba siyang maaasahan?
Bukas ng umaga
Tuloy ang pabrika
Kahit siya’y wala na.
1985, Baguio



Paalam, Mahal

Paalam, mahal
Ako’y lilisan
Sa malayong lugat tutungo
Doo’y may digmaan
Madugong labanan
Sasapi ako sa Hukbong Bayan
Paalam, mahal
Ako’y lalayo
Alaala mo ay di iiwan
Halik at habilin
Ay kukupkupin
Ang ‘yong paqsunod
Ay hihintayin
At tayo’y di luluha
Aking sinta
Hiwalay man ay magkasama
Puso’t diwa ay magkaisa
Ligaya’ng baya’y lumaya
Kailan pa, mahal
Laya’y darating
Ang payapa ba ay matagal pa
Kapwa tayo sa laya’y sabik
Kapwa tayo maghihimagsik
Halina, mahal
Tayo’y lumisan
Sa malayong lugar tutungo
Doo’y may digmaan
Madugong labanan
Sasapi tayo sa Hukbong Bayan
At tayo’y luluha, aking sinta
Sa lubos na ligaya
Sa araw ng paglaya
At kung sakaling
Isa sa ati’y wala na
Ligaya’ng baya’y lumaya
1980 (?), Diliman



Pagkatapos ng Digma

Paglaho ng usok sa larangang digma
Lilitaw ang lunti ng damo
At tatangayin ng hanging sariwa
Amoy ng pulbura at abo
O, pagkatapos ng digma ay payapa
Pagtigil ng gulo at mga labanan
Sugatan ay aalagaan
At mga bayani ay pararangalan
Pinaslang laging tatandaan
O, pagkatapos ng digma ay paghilom
At mga manlulupig ay uusigin
Ang bawat krimen nila’y lilitisin
Kung ‘di sa pagkagahaman nila
Tayo’y di nangailangang mag-alsa
O, pagkatapos ng digma ay hustisya
Ang mga magsinta muling magkikita
Mag-anak muling magsasama
At mula sa abo tayo’y magpapanday
Ng sariwa at bagong buhay
O, pagkatapos ng digma ay ligaya
Ang tigang na lupa muling bubungkalin
At ang ani’y laan sa atin
At mga pabrika’y muling paaandarin
Likhang yaman ay ating angkin
O, pagkatapos ng digma ay sagana
At kung ang bayan ay muling lupigin
At laya natin ay tangkang agawin
Hindi na muli paaalila
Kapit sa sandata’y di manghihina
O, sa digma ay sisilang ang payapa
1984, Baguio


Himig

Himig ng bayan ko
Ngayo’y di masaya
Tinig ng bayan ko’y
Hiyaw ng dusa
Di pa panahon
Ng pagdiriwang
Di pa panahon
Ng pagpipista
Himig ng bayan ko
Laya ang ninanasa
Tinig ng bayan ko’y
Puno ng pag-asa
Papanahon din
Ang pagdiriwang
Papanahon din
Ang pagpipista
Aawit ako para sa bayan
Ang tinig niya’y tinig ko rin
Tutugtog ako para sa bayan
Ang himig niya’y himig ko rin
Pakikinggan ko ang bawat hinaing
Sasalaminin ang bawat damdamin
Ang bawat mithi akong aangkinin
Bayan at ako ay pag-iisahin
Kikilos ako para sa bayan
Lakas niya’y lakas ko na rin
Lalaban ako para sa bayan
Digma niya’y digma ko na rin
Paninindigan at pagtitibayin
Ang alinlangan aking papawiin
Ang bukas palagi ang tatanawin
Bayan at ako ay lalaya rin
Aawit ako para sa bayan ko
1980, Diliman

No comments:

Post a Comment