Ano ang rebolusyong pangkultura?
Ang rebolusyong Pilipino ay komprehensibo -- ito'y rebolusyon hindi lamang sa larangan ng pulitika at ekonomya, kundi rebolusyon din sa kultura. Sinasalamin ng rebolusyong pangkultura ang pampulitika at pang-ekonomyang rebolusyon at nagsisilbi dito.
Sinasaklaw ng rebolusyong pangkultura ang iba't ibang aspeto ng pagbabago sa pangkalahatang kultura ng isang lipunan. Bahagi nito ang pagpapalaganap ng proletaryo at rebolusyonaryong mga ideya at kaisipan, ang pampulitikang propaganda at edukasyon na naglilinaw sa katangian, nilalaman at direksyon ng rebolusyon, ang pagyabong ng rebolusyonaryo at progresibong sining at panitikan, ang pagbubuo at pagpapalaganap ng pambansang wika, ang pagpawi sa kamangmangan, ang paglulunsad ng isang bagong oryentasyon ng pananaliksik sa lipunan, ang pagtuturo ng literasiya at siyensya, at ang pagtatatag ng isang sistemang pang-edukasyon na libre at para sa lahat at ang promosyon ng kalusugan at kabutihan ng mamamayan.
Ang rebolusyong pangkultura sa Pilipinas ay isang makapangyarihang sandata upang imulat, organisahin at pakilusin ang masa nang may isang nag-aalab na damdamin at isipan. Itinataguyod at sinusulong nito ang alternatibong kulturang sasalungat, babangga at dudurog sa nangingibabaw na reaksyunaryong kultura.
Ano ang pambansa, siyentipiko at makamasang kultura?
Ito ang alternatibong kulturang ipapalit sa nangingibabaw na reaksyunaryong kulturang kolonyal, burges at pyudal.
Ito ay kulturang pambansa dahil pinaghahawakan, ipinagtatanggol at isinusulong nito ang pambansang soberanya at kasarilan ng sambayanang Pilipino. Pinayayabong nito ang patriyotismo, paggalang sa sarili at pag-asa ng bansa sa sarili. Ibinabandila nito ang nagsasariling identidad ng Pilipino at ang mayamang kultura ng iba't ibang rehiyon at ng mga pambansang minorya. Ipinagbubunyi nito ang rebolusyonaryong pakikibaka at mga tagumpay ng bansang Pilipinas. Pinapawi nito ang kolonyal na kaisipan, pero laging handa na matuto at tumanggap ng dayuhang impluwensiya na kapaki-pakinabang sa bansa.
Ito ay kulturang siyentipiko dahil nagtataguyod ito ng siyentipikong pananaw at pamamaraan. Pinapaunlad nito ang panlipunan at pampulitikang kamulatan, ang kritikal at masiyasat na pag-iisip at ang kahandaan sa rebolusyonaryong pagbabago. Malaki ang pagpapahalaga nito sa gawaing edukasyon, paglikha ng bagong teknolohiya at pag-unlad ng siyensiya.. Sumasalungat ito sa mga kaisipang pyudal, nagtutulak sa mamamayan sa balon ng kamangmangan at walang-batayang mga paniniwala, kagawian at opinyon, at yaong masyadong emosyonal na nagtutulak sa bulag na panatisismo.
Ito ay kulturang makamasa dahil nagmumula at nagsisilbi ito sa sambayanang Pilipino, lalo na samga manggagawa at magsasaka. Ibinabandila nito ang papel ng masa bilang mga tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan. Binabaka nito ang kaisipan at kaugaliang burges, pyudal, anti-mamamamayan at anti-kababaihan. Tinutunggali nito ang komersyalisadong kultura na nagtataguyod ng kamangmangan, eskapismo, konsumerismo at iba pang kaisipang kontra sa interes ng mamamayan.
Thank you!
ReplyDeleteMaraming salamat at patuloy ang laban.
ReplyDelete